Ibahagi ko
lang ito, kwento ng aking ama nung kabataan nya pa…
Tuwing mag
uundas, uso ang mga takutan at pagsusuot ng mga nakakatakot na kasuotan na
impluwensya ng mga banyaga noong nasakop ang ating bansa na naging tradisyon na
tuwing sasapit ang undas. May mga kompetisyon ng mga nakakatakot na kasuotan
mula sa mga bata hanggang sa matatanda, pati mga palabas na nakakatakot at
marami pang iba.
Kwento ng
Ama ko noong kabataan nya sa probinsya, meron daw syang pinsan na matalik nya
ring kaibigan. Lagi silang magkasama lalo na sa mga kalokohan. Tuwing sasapit
ang undas, di mawawala ung pananakot nila sa mga kabaryo nila, syempre di lang
naman sila ung mahilig manakot roon.
Sa isang
mahabang kalsada na napapaligiran ng mga palayan at mga punong kahoy doon nila
ginagawa ang pananakot. Naghahanda sila ng mga kandila at bao ng niyog na
kinokortihan nila ng mata. Kapag sumapit na ang gabi mag aabang na sila ng
mapapadaan doon at kung may matatanaw silang dadaan ay sinisindihan nila ang
kandila at pinapasok sa loob ng bao at saka magtatago sa may talahiban habang
nakaangat ung hawak nila. Ang mga kabaryo naman nila na mapapadaan ay bigla
nalang kikilabutan dahil sa nakakaamoy sila ng kandila at kapag nababaling ang
paningin nila sa may talahiban bigla nalang silang kakaripas ng takbo dahil sa
tila mga nag aapoy na mata na nakita nila. Habang takot na takot ang mga
napapadaan doon, yung magpinsan naman ay tuwang tuwa dahil epektibo ang
kanilang pananakot. Naging usap usapan iyon sa baryo kaya hangga’t maaari di
sila nagpapagabi sa daan dahil sa takot nila sa nag aapoy na mga mata sa
talahiban. Taon-taon nilang magpinsan iyon ginagawa, kaya lang nang lumipat sa
ibang paaralan ung tatay ko ay naiwan ung pinsan nya sa baryo.
Lumipas ung
taon, nabalitaan ng tatay ko na nanakot pa rin ung pinsan nya pero di na sa may
talahiban. Kwento sa kanya, sa isang kalsada na may punding ilaw sa poste
tumatambay ung pinsan na. Nakasuot ito ng puting damit na tulad sa pang burol,
nagpupulbos sa mukha na parang espasol sa puti, naglalagay ng uling sa paligid
ng mga mata, may bulak din sa ilong at may hawak na puting kandila. Kapag daw
may mapapadaan, sisindihan nya ang kandila at hihipan para mapalingon sa kanya.
Matinding takot ang nararamdaman ng mga taong napapadaan doon lalo na kapag
makikita sya dahil para syang bangkay na bumangon sa pagkakaburol, tuwang tuwa
naman ang pinsan ng ama ko.
Isang gabi,
araw ng kaluluwa, nandun uli sa poste ang pinsan ng ama ko para manakot. Matagal
syang nag abang doon pero walang dumadaan na mga tao kaya naisip nalang nyang
lumabas sa pagkakatago nang di ano-ano, bigla nalang may dumaan na sasakyan at
na kaladkad sya. Bago pa dumating ang ambulansya, wala na syang buhay at tuwing
undas patuloy pa rin syang nananakot doon sa lugar kung saan sya namatay na
tila di nya alam na matagal na syang pumanaw.
Comments
Post a Comment